Joy Barcoma, Miss Earth PH 2025, Suportado ang Protesta Kontra Pagmimina sa Dupax del Norte

Miss Earth PH 2025

Naghayag ng buong suporta at pakikisimpatya si Joy Barcoma, Miss Earth PH 2025, sa mga residente ng Dupax del Norte na nagsagawa ng kilos-protesta laban sa pagmimina sa kanilang lugar.

Sa isang Facebook post nitong Lunes, Enero 26, ibinahagi ni Joy ang isang video na nagpapakita ng tensyon at komosyon sa pagitan ng mga kapulisan at mga nagpoprotesta.

UPHOLD FREE, PRIOR, AND INFORMED CONSENT! Ang lupa ay para sa mga mamamayang nangangalaga sa kalikasan, hindi para sa interes ng iilan,” pahayag ni Joy sa kanyang post.

Mariin din niyang iginiit na, “ANG DESISYON AY DAPAT MANGGALING SA TAUMBAYAN!

Bukod dito, kinuwestiyon ng beauty queen ang umano’y labis na presensya ng kapulisan sa lugar.

“At bakit napakaraming pulis?” aniya. “Hindi kailanman naging dahas ang paggamit ng boses para ipaglaban ang karapatan. PROTECT DUPAX!

Samantala, nanawagan na rin ang International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang mamagitan sa sitwasyon at ipag-utos ang agarang pagpapalaya sa pitong residente na umano’y inaresto sa gitna ng marahas na dispersal.

Gayunman, hanggang sa oras ng pagsulat ng artikulong ito, wala pa ring inilalabas na opisyal na pahayag o reaksiyon ang Malacañang kaugnay ng insidente.

Matatandaang noong Nobyembre 2025, nauna nang nanawagan kay Pangulong Marcos si Bishop Jose Elmer Mangalinao upang ipatigil ang operasyon ng mina, dahil sa inaasahang matinding pinsalang ekolohikal na idudulot nito sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.

About Author

Share:

More Posts